Saturday, April 28, 2012

Salamat, Manang Ever

Si Manang Ever ay isa sa mga tinatawag na "manghuhula" (psychic) sa kulturang Pinoy. Pero para sa akin, sa higit sampung taon na naging bahagi sya ng buhay ko, naging higit pa sya duon. 

Taong 2000 nung una ko siyang nakilala, kapitbahay nya kasi ang ikatlong kuya ko at ang pamilya nito dun sa Quezon City. Nang mga panahon yun, wala akong trabaho at kasalukuyang naghihintay ng resulta ng application ko sa kasalukuyan kong kumpanya. Nasabi lang ng hipag ko na mayroon nga daw marunong manghula dun sa kanila. 

Aaminin ko, may certain level of interest ako sa usaping astrology, hula, at mga ganun bagay. Pero wag lang yung mga kulam, etc. So, nagpa-refer ako sa hipag ko. 

Unang pagkakataon na "binasahan" ako ni Manang, magaan na agad ang loob ko sa kanya. Generous sya sa oras nya. Di nya ako minadali. Unang basa nya palang, tinanung na nya ako kung may inaantay ba ako tungkol sa usaping trabaho. Sabi ko, Oo. Pero di ako nag-elaborate.  Mag-antay ka ng mga 2 linggo, may mababalitaan ka tungkol dito. Nuong mga panahon din na yun, may iniinda akong heartbreak. Ang sabi ni Manang, hayaan mo na. Hindi mo pa panahon mag-asawa, mauuna ang pag unlad mo sa career kesa sa lovelife mo. Pero di ka tatandang dalaga. Makakapag-asawa ka, pero di kasi pwede sa yo ang basta-bastang lalaki, sa maraming kadahilanan. Pero tandaan mo, madami ka pang makikilalang mas higit dyan sa iniiyakan mo.

Kahit na may interest ako sa mga hula-hula, hindi ako yung tipo na magpapa-hula, tapos ime-memorize lahat ng sinabi at aantayin kung magkaka-totoo o hindi. Parang sa akin, entertainment of some sort. Pero may certain level na assurance din naman akong nakukuha. Kasi parang siempre, "may sagot" sa mga tanong ko eh. Nare-realize ko na lang na "tama" yung hula pag nangyayari na, at kadalasan, sobrang late ko pa ma-realize, kasi nga di ko naman tinatandaan.

Di lumipas ang 2 linggo mula nung una nya akong basahan ng baraha, may telegrama nga akong natanggap mula sa kumpanyang pinagsisilbihan ko ngayon. So dali-dali kong inayos ang mga papel hanggang nakapag-simula ako. Ilang buwan na din ang lumipas nga maisip ko si Manang Ever at ang kanyang sinabi. So tinawagan ko, at sinabi ko na Manang, oo nga. Eto na empleyado na ako. Natuwa sya nuon. 

Simula nuon, nabuo ang pagiging magka-ibigan namin. Sa paglipas ng mga panahon, hindi na sya basta isang manghuhula na lang. Madalas, pag may bagong pangyayari sa buhay ko, tatawag ako at pupuntahan ko sya, para manghingi ng guidance. Naging hingahan ko na din sya ng mga problema. Naging confidante tungkol sa buhay pag-ibig ko. 

Sa loob ng higit sampung taon, hindi miminsan na iiyak ako kay Manang Ever, kasi ang lungkot-lungkot ko sa pinagtatrabahuhan ko gawa ng mga intriga. Hindi miminsan na nagsabi ako kay Manang Ever na "mag-re-resign na ako Manang, Ang hirap ng mga ugali ng mga tao". At sa tuwina, sasabihin nya "Huwag. Kasi may pag unlad ka pa dyan na nakikita ko. May promotion ka pa, Rose. Wag kang aalis." Aaminin ko, hindi dahil sa sinabi ni Manang na may career advancement pa ako kaya ako nanatili. Nang mga panahong yun, maganda ang sahod ko kumpara sa pribadong sektor o sa ibang ahensya ng gobyerno. Kaya nanatili ako.

Nang ma-promote ako bilang Section Chief after barely 3 years in the government service (at sa government, hindi ito pang-karaniwan nuon. Ang kalakaran ng pumasok ako, ugatin ka na bago ka maging Section Chief), tuwang tuwa si Manang para sa akin. Sabi nya "meron pa ulit Rose. Mag-antay ka lang". Ang sagot ko: "Manang, okay na po ako dito. Di ko nga po in-expect na ganito kabilis eh". Pero pilit at paulit-ulit nya pang sinabi na "hindi, meron pa!" Lumipas ang halos limang taon mula nuon, na-promote nga ako ulit bilang Division Chief after merely 8 years of being a government employee. 

Sa lahat ng success ko sa career, si Manang Ever ang unang-una natutuwa para sa akin, outside my family. 

Sa lahat ng failures ko sa lovelife, si Manang Ever din ang unang sumbungan ko. Pag may bago akong boylet na kinaka-interesan, ikukuento ko sa kanya yun. Dumating ako sa puntong nakaramdam na ako ng takot na baka wala na. Ang sabi nya Hindi, meron Rose. Nauna lang ang career mo. 

Sa sampung taon, madami panahon sa buhay ko na insecure ako, si Manang Ever ang naiisip kong tawagan at kuentuhan nito. Sa kanya ko naririnig na "meron. Wag kang matakot. May pag asa yan"

Last January 2012, nalaman ni Manang Ever na may bukol sya sa Pancreas nya. Nang tawagan ko sya para kumustahin, sinabi lang nya na "may bukol ako sa pancreas ko, Di daw pwedeng operahin sabi ng doctor". Sa boses pa lang nya, dinig ko na ang lungkot nya. Di ko tinanung kung cancerous ba yung bukol, dahil takot ako. Takot akong marinig na tama ang intindi ko sa sinabi nya at sa tono ng boses nya; takot din akong ma-offend ko sya kung sakali man na hindi naman cancerous pala. 

Huli namin pagkikita February 2012, pinuntahan ko sya dinalhan ng mga herbal supplements. Payat na sya at halatang depressed na. Inulit ko ang tanong na "ano daw ba yang nakita Manang?". Muli ang sagot nya: Bukol sa pancreas. Sinabi nya na ang nagpapalakas ng loob nya ay kameng mga kaibigan nya na nagbibigay suporta sa kanya. Sabi nya pa "ang mga dasal nyo ang nagpapalakas sa akin". Alam ko na nung mga oras na yun na malala ang sakit nya. Alam ko na na pancreatic cancer, kahit di nya sinabi at inamin sa akin. Pero umasa ako na may panahon pa. Binasahan nya pa ako ulit nung araw na yun. Tiningnan nya yung "estado" ng relationship ko sa isang guy. Sinabi nya na "wag na Rose. May darating pang isa. Mas higit dito  sa nanakit sa yo ngayon".   

Simula nuon, di ko na sya nadalaw ulit. Pero natawagan ko pa sya early part ng Marso. Matamlay na talaga ang boses nya. Pero puro pagpapasalamat pa din sya. 

Late March, tumawag ako ulit para mangumusta. Dun ko nalaman na umuwi na sa Bulacan si Manang at ng mga oras na yun ay naka-confine sa isang private hospital sa San Fernando, Pampanga. Nagulat ako. Pero dun ko na confirm na late stage Pancreatic Cancer nga ang kanyang sakit. Pati ang liver nya ay may tama na daw. Simula nuon, katext ko na ang pamankin ni Manang Ever na nurse. Sa kanya ako nakakakuha ng update. 

April 25, 2012 pag gising ko, isang text message ang nakita ko at ang tanging sabi ay "wala na si tita Ever, kagabi bandang 10pm". Natulala ako. Pero pinilit kong wag malungkot. Ang reply ko lang sa text na yun ay kung saan ang burol at kelan ang libing. Puntahan ko na lang sa burol 'kako. 

Alam ko sa sarili ko na di pwedeng di ako pumunta at mag-paalam sa huling pagkakataon sa isang kaibigan ko. Kaya kahit di ko kabisado ang San Ildefonso, Bulacan at wala akong makakasama, alam kong kakayanin ko para kay Manang Ever. 

Pumunta ako kanina. Sa huling araw ng lamay ni Manang Ever ko. Nuon ko lang nakita si Manang na naka-make-up at naka -formal wear. Ang ganda ng kanyang Filipiniana inspired gown. Nuon ko lang sya nakitang naka lipstick. Sa loob ng isang kabaong. Naiyak ako sa harap nya. Bigla ko naramdaman ang pagkawala nya. Wala na nga si Manang Ever ko. 

Nakipag-kwentuhan ako sa pamankin nyang Nurse. Ang sabi ni Maritess, hanggang sa huli, di naging pabigat si Manang sa kanila. Kanina ko din lang nalaman na si Manang Ever ko pala ay isang Certified Public Accountant. Napaka-humble. 

Sa kanyang pagkawala, madami kameng nangungulila sa kanya. Alam ko din sa sarili ko na hindi na ako "magpapahula" pa sa iba.

Bago ako umalis sa lamay, lumapit ako ulit sa kanyang kabaong at bumulong na "Sa huling pagkakataon, ba-bye Manang at maraming, maraming salamat sa lahat lahat". 

Salamat, Manang Ever. Sa lahat ng paalala mo sa akin. Sa lahat ng assurance mo pag talagang in doubt ako. Sa wala mong sawang pakikinig sa mga hinaing ko tungkol sa pera, sa mga boylets, sa trabaho. Sa pagpapatibay mo ng loob ko tuwing gusto ko na lang sumuko.Alam ko na masaya at tahimik ka na ngayon. Alam ko din na patuloy kang nandyan para sa amin. Salamat.

No comments:

Post a Comment